HINOSTAGE ng isang sundalong Marine ang kanyang ka-live-in matapos ang isang away dahil sa isang post sa social media.
Inaresto ng pulisya ang 27-anyos na sundalong nakatalaga sa Marine Battalion Landing Team 6 sa Cotabato City noong Sabado.
Lumabas sa imbestigasyon na bago ang pangho-hostage, pumunta ang sundalo sa boarding house ng kanyang partner sa Mango Drive sa Bgy. Baliwasan noong Biyernes ng gabi.
Kinumpronta ng suspek ang kanyang partner tungkol sa mga post nito sa TikTok at kinumpiska ang kanyang telepono.
Sa kasagsagan ng away, sinakal umano ng sundalo ang babae gamit ang sinturon saka tinutukan pa ito ng baril, at pinagbantaan na papatayin.
Ayon sa pulisya, nagpatuloy ang hostage drama buong gabi.
Kinabukasan, sumigaw ang babae para humingi ng tulong matapos siyang tumangging palayain ng suspek. Narinig ng kanyang kapatid na babae na nasa kabilang kwarto sa itaas ng kanilang tinutuluyan.
Agad na humingi ng tulong ang kapatid sa mga opisyal ng barangay na tumawag sa pulisya.
Nagsagawa ng negosasyon ang mga rumespondeng pulis at nahikayat ang suspek na palayain ang babae at sumuko nang mapayapa.
