INIMBESTIGAHAN na ng pulisya ang pagkamatay ng 19-taong-gulang na estudyante sa Cavite na namatay dahil sa mga pinsalang natamo sa isang pinaghihinalaang hazing.
Kinilala ang biktima ng kanyang ama bilang si “Ken,” isang first year college student sa isang Maritime school, at residente ng Dasmariñas City, Cavite.
Batay sa imbestigasyon, bandang 4:30 p.m. noong Linggo, nakatanggap ang lokal na pulisya ng ulat na isang walang malay na lalaki ang dinala sa General Trias Medical Center sa Bgy. Manggahan sa General Trias City, Cavite.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at tumungo sa ospital, kung saan kinumpirma nila na idineklarang patay na ang biktima (DOA).
Isiniwalat sa kuha ng CCTV na bandang 2:11 p.m. ng parehong araw, dumating sa ospital ang isang kulay gray Mitsubishi Mirage na may plakang NAV 9489.
Lumabas ang dalawang hindi kilalang lalaki mula sa sasakyan habang ang isa ay nanatili sa driver’s seat. Humingi ng tulong ang dalawa sa mga staff ng ospital para maibaba ang walang malay na biktima, na sangkot ito sa isang hit-and-run incident.
Matapos dalhin ang biktima sa loob ng ospital, dali-daling umalis ang dalawang lalaki nang hindi nagpapakilala o nagbigay ng karagdagang detalye.
Sa pagsusuri, napansin ng doktor na lumitaw ang maraming pasa sa katawan ng biktima, lalo na sa kanyang mga hita. Ang uri ng mga pinsala na nagdulot ng hinala na hazing.
Sa pagsisikap na isalba ng doctor ang biktima , idineklarang patay na ito bandang 3:35 ng hapon.
Kasalukuyang hinihintay ng mga awtoridad ang resulta ng autopsy o ang opisyal na medico-legal na natuklasan upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Dahil sa karagdagang imbestigasyon, natunton ng mga awtoridad ang sasakyan na nagdala sa biktima sa ospital, na natagpuang inabandona sa isang bakanteng lote sa Bgy. Panungyanan sa General Trias, City.
Ipinakita ng mga rekord na ang Mitsubishi Mirage ay ilang beses nang nagpalit ng pagmamay-ari at naiulat na ginagamit ng isang alyas na “JM,” na isa ring estudyante ng Maritime school.
Nagsasagawa ang pulisya ng masusing backtracking at follow-up operations upang matukoy ang buong pangyayari sa insidente at matukoy ang pananagutan ng lahat ng taong sangkot.
