SUMUKO ang suspek na pumaslang sa Australian couple at kanilang kasamang Filipina sa isang hotel sa Tagaytay City noong Miyerkules .
Ang suspek nakilala bilang “Ronel,” 33 anyos, ng Amadeo, Cavite, ay nagsabing gusto niyang maghiganti sa pamunuan ng Lake Hotel sa Tagaytay City dahil sa pagtanggal sa kanya sa trabaho.
Ang mga biktima ay sina David James Fisk at Lucita Cortez, at si Mary Jane Cortez,na siyang kasamang Filipina.
Sa ulat, sinabi ni Lt. Col. Charles Daven Capagcuan, hepe ng pulisya sa Tagaytay Component City Police Station, na sumuko ang suspek kay Mayor Jey Cerrado ng Tuy, Batangas.
Nakatago si “Ronel” sa Tuy matapos ang krimen.
Ibinigay ng alkalde ng Tuy ang suspek kay Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino, na siyang nag-turn over nito sa mga awtoridad ng pulisya.
Sa imbestigasyon, lumabas na naghihiganti ang suspek laban sa pamunuan ng hotel dahil sa kanyang pagtanggal sa trabaho na nagresulta sa pagpatay sa mga biktima, sabi ni Capagcuan sa ulat.
Dagdag pa ng suspek, random na pumasok siya sa kwarto ng mga biktima noong nakaraang linggo dahil bukas ang bintana nito.
Si “Ronel” ngayon ay nasa pangangalaga ng Tagaytay Component City Police Station.
