PORMAL nang naglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kina USWAG Ilonggo Party-list Rep. James “Jojo” Ang Jr. at dating Sultan Kudarat Representative Arnulfo Go kaugnay ng magkahiwalay na kasong may kinalaman sa umano’y conflict of interest habang sila ay nanunungkulan sa Kongreso.
Ang mga kaso laban kina Ang at Go ay may kaugnayan umano sa kanilang mga construction firm na nakakuha ng mga proyekto sa ilalim ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nahaharap si Ang sa 14 na bilang ng paglabag sa Section 3(h) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magkaroon ng direkta o hindi direktang pinansyal na interes sa mga kontratang saklaw ng kanilang opisyal na tungkulin.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nagsampa ang Office of the Ombudsman ng 14 na kasong graft laban kay Ang.
“Habang miyembro ng Kongreso, may bahagi si Rep. Ang sa isang construction firm na nakakuha ng ₱214 milyong halaga ng mga kontrata sa DPWH at nabayaran ng halos ₱199 milyon para sa mga ito,” ani Clavano.
Iginiit din ni Clavano na malinaw sa Konstitusyon na seryosong usapin ang conflict of interest. Aniya, hindi kinakailangang mapatunayan na may aktuwal na palitan ng salapi upang magkaroon ng pananagutan. Sapat na umano ang matibay na ebidensiyang nagpapakitang maaaring nakinabang ang mambabatas sa naturang transaksyon.
Samantala, haharap naman si Go sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Nagsilbi si Go bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Sultan Kudarat sa loob ng tatlong magkakasunod na termino mula 2007 hanggang 2016.
Kasama ring kinasuhan ang mga opisyal ng bayan ng Lebak na sina Dionesio Besana, Allan Bayani, at Mario Labrador.
Bukod sa mga warrant of arrest, nagpalabas din ang Sandiganbayan ng mga Hold Departure Order (HDO) laban sa mga akusado matapos nitong makakita ng probable cause sa mga isinampang kaso.
Kapansin-pansin na ang mga warrant ay inilabas ng Third Division ng Sandiganbayan, na siya ring humahawak sa mga kaso nina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at Senador Rodante Marcoleta.
