
Photo courtesy Manila Public Information Office
SUMUKO ang suspek sa pananaksak sa 15- anyos na binatilyong nasawi makaraang sumiklab ang riot sa intersection ng C.M. Recto Avenue at Quezon Boulevard noong Linggo, Setyembre 21.
Iniharap ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Miyerkules ng umaga, Setyembre 24, ang 52-anyos na suspek na si Richard Francisco,isang technician ng relo at may-ari ng maliit na tindahan sa lugar.
Ayon sa pulisya, sinabi ni Francisco pino-protektahan lamang niya ang kanyang tindahan laban sa isang grupo ng mga menor de edad ay nagtangkang sirain ang mga establisyimento noong panahon ng kaguluhan.
Aniya kinumpronta niya ang mga nagriot habang dala ang matulis na bagay kabilang ang nasawing Grade 10 student na si Chustin Serbo y Ignacio ng Barangay Rizal, Taguig City.
Kusang sumuko naman si Francisco sa Barbosa Police Station sa Quiapo, Maynila, ilang sandali matapos ang insidente.
Kasunod ng standard procedure, sumailalim siya sa medical examination sa Ospital ng Sampaloc bago i-turn over sa Manila Police District (MPD) Homicide Section para sa kaukulang disposisyon.
Sa isang press conference sa Manila City Hall, nagpahayag ng dalamhati si Domagoso sa pagkawala ng isa pang batang buhay.
Aniya , “Nalulungkot ako na may isa na namang magulang ang umiiyak ngayon. Masakit mawalan ng anak”.
Hinikayat din niya ang mga kabataan na makinig sa patnubay ng kanilang mga magulang upang maiwasan ang mga trahedya .
Sa boluntaryong pagsuko ng suspek, sinabi ni Domagoso na ang kaso ay “sarado at naresolba kaagad.”