
ISANG construction worker ang namatay habang dalawang iba pa ang nasugatan sa isang landslide sa Liliw, Laguna noong Huwebes.
Kinilala ng pulisya ang nasawi bilang si Vijay Salisod, 36anyos.
Ang mga kasamahan ni Salisod na sina Joel Basco, 41, at Eduardo de la Cueva, 59, ay nasugatan at dinala sa Nagcarlan District Hospital para sa pagpapagamot.
Sinabi ni Lt. Gen. Rhoderick Armamento, direktor ng Area Police Command Southern Luzon, na nangyari ang landslide sa Barangay Calumpang ng 4:30 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima ay nagtatrabaho sa pagtatayo ng riprap sa isang dam nang biglang bumagsak ang lupa at mga bato sa kanilang ibabaw.
Iniutos ni Armamento sa lokal na pulisya na mag-deploy ng personnel upang tiyakin na walang hindi awtorisadong tao ang makakapasok sa lugar kung saan nangyari ang landslide.