
LUMUBOG ang isang tanker na may kargang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil sa Limay, Bataan noong madaling araw ng Huwebes.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang barko ay kinilalang MT Terra Nova na tumaob 3.6 nautical miles silangan ng Lamao Point sa bayan ng Limay.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang insidente ay nangyari bandang 01:10 a.m. noong Huwebes.
Ang tanker ay may sakay na 17 na crew members. labing-anim lamang ang na-rescue habang ang isa na naiulat na nawawala ay natagpuang patay.
Apat sa mga nakaligtas ay kasalukuyang ginagamot.
Ang pagkakakilanlan ng mga nasawi ay inaalam pa sa ngayon.
Sinabi ng mga nakaligtas sa PCG na umalis sila ng Bataan noong Miyerkules ng gabi. Papalabas na sana sila ng Corregidor patungong Iloilo nang sila ay tamaan ng malalaking alon.
Samantala, natuklasan na mayroong tagas na langis na may 3.7 kilometro ang haba, kaya’t ipinatupad ng mga awtoridad ang pagresponde sa insidente.
Tiniyak ni Coast Guard spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na ang tumagas na langis ay “minimal” lamang at hindi mula sa mga cargo tank ng barko.
Agad ring ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na magkakasamang suriin ang epekto sa kapaligiran ng oil spill matapos ang pagkalubog ng isang oil tanker sa baybayin ng Bataan.