MAS dumami ang mga pamilyang Pilipinong nagsasabing mahirap ang kanilang kalagayan habang tumaas din ang bilang ng mga nakararanas ng gutom, ayon sa pinakabagong survey ng Octa Research.
Batay sa Tugon ng Masa survey na isinagawa noong Hulyo 4 hanggang 11, nasa 39 porsiyento o tinatayang 10.3 milyong pamilya ang nagsabing itinuturing nila ang kanilang sarili na mahirap.
Mas mataas ito kumpara sa 35 porsiyento o 9.2 milyong pamilya na naitala noong Marso.
Samantala, bumaba sa 18 porsiyento mula 24 porsiyento ang mga pamilyang nagsabing hindi sila mahirap, habang 42 porsiyento naman ang hindi makapagsabi kung mahirap o hindi ang kanilang kalagayang pinansyal.
Pinakamataas ang self-rated poverty sa Mindanao na 58 porsiyento, sinundan ng Visayas sa 46 porsiyento, Balance Luzon sa 33 porsiyento at National Capital Region (NCR) sa 18 porsiyento.
Ayon sa Octa Research, ipinapakita ng datos na hindi pare-pareho ang epekto ng mga problemang pang-ekonomiya sa iba’t ibang rehiyon, partikular sa mga pamilyang mababa ang kita.
Gutom, Tumaas Din
Kasabay ng pagtaas ng self-rated poverty, umakyat din ang bilang ng mga pamilyang nagsabing nakaranas sila ng gutom.
Mula 17 porsiyento o 4.5 milyong pamilya noong nakaraang survey, tumaas ito sa 21 porsiyento o tinatayang 5.6 milyong pamilya noong Hulyo.
Sa mga nakaranas ng gutom, 68 porsiyento ang nagsabing minsan lamang nila itong naranasan, habang 19 porsiyento ang nagsabing ilang beses silang nakaranas nito.
Pinakamataas ang self-rated hunger sa Balance Luzon sa 27 porsiyento, kasunod ang NCR sa 19 porsiyento, Visayas sa 17 porsiyento at Mindanao sa 14 porsiyento.
Sa socioeconomic classes, pinakamarami ang nakaranas ng gutom sa Class E sa 35 porsiyento, sinundan ng Class D sa 20 porsiyento at Class ABC sa walong porsiyento.
Food Poverty, Bumaba
Sa kabilang banda, bumaba naman ang bilang ng mga pamilyang nagsabing hirap silang makakuha ng sapat na pagkain.
Mula 31 porsiyento o 8.1 milyong pamilya, bumaba sa 28 porsiyento o tinatayang 7.4 milyong pamilya ang self-rated food poverty.
Gayunman, nananatiling mataas ang food poverty sa Mindanao, kung saan umabot ito sa 52 porsiyento. Pinakamababa naman ito sa NCR sa siyam na porsiyento.
Sa socioeconomic class, 38 porsiyento ng Class E households ang nagsabing food poor sila, kumpara sa 28 porsiyento sa Class D at 14 porsiyento sa Class ABC.
Ayon sa Octa Research, bagama’t positibong senyales ang pagbaba ng food poverty, nananatiling malaking hamon ang kahirapan sa mga pamilyang mababa ang kita at sa ilang rehiyon.
Isinagawa ang survey sa 1,200 rehistradong botante sa buong bansa, tig-300 respondents mula sa NCR, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. May confidence level itong 95 porsiyento at margin of error na ±6 porsiyento.
