Sa larawan: Ang 2023 Nissan Urvan Premium na nabawi ng mga operatiba ng QCPD-DACU sa Dasmariñas, Cavite matapos umanong karnapin sa Quezon City noong Mayo 2024.
MAKALIPAS ang halos dalawang taon, muling nabawi ng pulisya ang isang 2023 Nissan Urvan Premium na umano’y kinarnap sa Quezon City at natagpuan sa Dasmariñas, Cavite.
Narekober ng mga tauhan ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police District (QCPD), sa pangunguna ni Police Lt. Col. Hector Ortencio, ang puting van noong Agosto 15 sa Diamond Village, Barangay Salawag.
Ayon sa ulat, nagtungo sa DACU noong Agosto 12 ang rehistradong may-ari ng sasakyan upang ireport na kinuha umano ang kanyang van noong Mayo 2024 sa Commonwealth Avenue, Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Tinukoy ng may-ari ang isang lalaki na alyas “Rodolfo” bilang suspek at nagsampa ng kaukulang reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Agad nagsagawa ng beripikasyon at follow-up investigation ang DACU hanggang sa makatanggap ng impormasyon na nakita ang sasakyan sa Diamond Village.
Nang rumesponde ang mga pulis, nakumpirma nilang ito ang sasakyang kabilang sa carnapping report.
Nilapitan ng mga awtoridad ang babaeng gumagamit ng van at ipinaalam sa kanya ang status nito. Ayon sa babae, isinangla umano sa kanya ng suspek ang sasakyan sa halagang P500,000.
Matapos ipaliwanag ng mga pulis ang sitwasyon, boluntary niyang isinuko ang van na dinala sa tanggapan ng DACU sa Camp Caringal, Quezon City, para sa karagdagang imbestigasyon.
Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa suspek na alyas “Rodolfo.”
