BACOLOD CITY — NABULABOG ang mga awtoridad sa Bacolod City matapos makatanggap ng ulat na isang 10-anyos na batang lalaki ang umano’y pinakain ng dumi ng kalabaw at pinagamit ng marijuana sa Barangay Vista Alegre.
Kinumpirma ni Police Capt. Liberty Indiape, hepe ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Bacolod City Police Office (BCPO), na sinusubukan na nilang makausap ang pamilya ng bata upang makalap ang mahahalagang detalye hinggil sa insidente.
Gayunman, hiniling umano ng pamilya na igalang ang kanilang privacy.
Patuloy namang tinutukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga posibleng sangkot upang matukoy ang nararapat na kasong maaaring isampa, batay sa resulta ng imbestigasyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa social worker ng barangay upang matugunan ang sitwasyon at matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng menor de edad.
Sa kabila ng ulat, sinabi ng Barangay Vista Alegre na wala pa itong natatanggap na pormal na reklamo mula sa mga magulang ng bata.
Patuloy ang imbestigasyon upang linawin ang mga pangyayari at matukoy kung sino ang dapat managot sakaling mapatunayan ang mga alegasyon.
