
SINALAKAY ang isang drug den kung saan sampung katao ang naaresto nitong Abril 6, 2025 bandang alas-2:03 ng madaling araw sa Barangay Lumbangan, Nasugbu, Batangas.
Nalansag ng pinagsamang operatiba ng PDEA Batangas Provincial Office, PNP Drug Enforcement Group at Nasugbu Municipal Police Station ang mga suspek na nakilalang sina alias Bioman, target-listed (TL) drug personality, 51; alias Pido; alias Wong, (TL) 45; ang tatlong suspek na pawang walang mga hanapbuhay; alias Edgardo, (TL) 36, junk shop helper; alias Michael, (TL), 42, construction worker; alias Pin, 42, construction worker; alias Mark, 41, junk collector; alias Joseph, 27, Mechanic; alias Edison, 19, laborer; alias Angelito, 42, tricycle driver na residente ng naturang lugar.
Nakuha sa mga nadakip ang humigit kumulang na 10 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang Php68,000.00, ibat ibang klase ng drug paraphernalia at buy-bust money.
Sasampahan ng mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 6 (Maintenance of a Drug Den), Section 7 (Employee/Visitor of a Drug Den), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) and Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) ang kakaharapin ng mga suspek na ngayon ay nasa kostodiya na ng PDEA Region 4A Custodial Facility sa Santa Rosa City, Laguna.