MANILA — Isinasailalim ng Office of the Ombudsman sa lifestyle check ang 107 opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Land Transportation Office (LTO), bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa katiwalian.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga opisyal na sinusuri habang kumukuha ang kanilang tanggapan ng impormasyon tungkol sa mga empleyado ng mga ahensiyang itinuturing na “income-generating” para sa pamahalaan.
Ibinahagi ni Remulla ang impormasyon nitong Martes sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay ng panukalang mahigit ₱7 bilyong budget para sa Ombudsman.
Tinanong ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno si Remulla kung nagsasagawa ang Ombudsman ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno.
Kinumpirma ni Remulla na 107 lifestyle checks na ang isinasagawa, at kabilang sa mga pangunahing tinututukan ang BOC, LTO at iba pang ahensiyang kumokolekta o kumikita para sa gobyerno.
Ayon sa Ombudsman, mas binibigyang-pansin ang mga naturang tanggapan dahil dito umano mas madalas makita ang tinatawag niyang “lifestyle sins.”
Samantala, nagpahayag ng suporta si Diokno sa naturang hakbang ng Ombudsman.
Noong nakaraang taon, iniutos din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno. Unang isinailalim sa pagsusuri ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng mga isyung kinasasangkutan ng mga proyekto sa flood control.
