PINAIGTING ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa mga taong nag-record at nagpakalat online ng mga video kaugnay ng shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU).
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, iisa-isahin ng kanilang mga tauhan ang mga nagbahagi ng footage upang malaman kung ano ang naging papel ng bawat isa at kung may nilabag na batas.
Kasama rin sa tinitingnan ng NBI ang posibleng ugnayan ng mga nagpakalat ng video sa mas malawak na grupo na umano’y nanggogroom at nang-iimpluwensya sa mga menor de edad sa social media.
Sinabi ni Matibag na natunton na nila ang isang group chat na may libo-libong miyembro, kabilang ang mga Pilipino at ilang indibidwal mula sa ibang bansa. Kalaunan ay nag-collapse ang naturang grupo.
Ayon sa NBI, kabilang sa target ng grupo ang mga kabataang nasa edad 12 hanggang 19 na umano’y hinihikayat na gumawa ng mararahas na gawain bilang bahagi ng tinatawag na “initiation.”
May mga ipinapangakong “promotion” sa grupo kapalit ng pagsasagawa ng ilang karahasan, kabilang ang umano’y pagpapakamatay.
Dahil dito, hindi isinasantabi ng NBI ang posibilidad na may iisang grupo ng online groomers na nakaimpluwensya sa mga estudyanteng sangkot sa magkahiwalay na school shooting sa San Jose National High School sa Tacloban City at Ateneo de Zamboanga University.
PROFILING SA NAG-SHARE NG VIDEOS
Kasado rin ang profiling sa mga taong nag-upload o nag-share ng footage ng shooting incident upang matukoy ang kanilang eksaktong partisipasyon at posibleng koneksyon sa mga suspek o online groups.
Nanawagan naman ang NBI sa publiko na huwag nang ipakalat muli ang mga video ng insidente, lalo na kung maaaring makasagabal ito sa imbestigasyon o higit pang makapinsala sa mga biktima at kanilang pamilya.
Sa halip, hinihikayat ang publiko na direktang isumite sa mga awtoridad ang anumang video, screenshot o impormasyon na maaaring makatulong sa pagtukoy sa mga responsable.
Samantala, makikipagpulong ang NBI sa Huwebes kay Executive Secretary Ralph Recto, mga opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at Meta upang talakayin ang isyu ng online grooming at pagkalat ng violent content.
Layunin ng pagpupulong na mapalakas ang koordinasyon at matukoy ang mga hakbang upang mapigilan ang paggamit ng social media sa panggogroom at pag-uudyok sa mga kabataan na gumawa ng karahasan.
