
AABOT sa 1,125 maliliit na magpapalay sa Polillo Group of Islands (POGI) sa Quezon ang nakatanggap ng tig-P5,000 mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON noong ika-10 hanggang ika-12 ng Hulyo, 2023.
Ito ay pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) program ng DA. Sa ilalim ng programang ito, makakatanggap ang mga maliliit na magpapalay na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nagsasaka ng hindi hihigit sa dalawang ektaryang lupain, ng tig-P5,000 bilang tulong-pinansyal.
Pinangunahan ang nasabing pamamahagi nina Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Quezon Eduardo Lalas, kinatawan ni Cong. Mark Enverga, Gng. Edith Haway, mga kawani ng DA-4A Rice Program, at mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng mga bayan ng Burdeos, Panukulan, Patnanungan, Polillo, at Jomalig.
Ayon kay Gng. Zeny Prudente, 63 taong gulang ng San Juan, Panukulan, Quezon, malaking tulong P5,000 bilang pandagdag na pambili ng abono para sa kanyang palayan. Aniya, maraming magsasakang katulad niya ang lubos na nagagalak sa mga tulong na kanilang natatangap mula sa Kagawaran.
Samantala, patuloy ang paghimok ng DA-4A sa mga magsasaka na hindi pa reshitrado sa RSBSA na magpalista na sa tulong ng kanilang Municipal o City Agriculture Office. Sa pamamagitan nito ay maaari silang makasali sa mga programa ng Kagawaran kagaya ng RCEF-RFFA.