WALA ng buhay nang matagpuan sa loob ng isang bagahe ang isang 16-anyos na batang babae na naiulat na nawawala nang mahigit isang linggo sa San Jose del Monte City, Bulacan
Nadiskubre ang biktimang residente ng Tala, Caloocan, na nakapaloob sa sa maleta na natagpuang lumulutang sa Sapang Alat River, Bgy. Graceville sa San Jose del Monte City noong gabi ng Pebrero 13.
Batay sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo na ang dalaga ay naiulat ng kanyang pamilya na nawawala mula pa noong Pebrero 7.
Huling nakita ang biktima na pumunta sa bahay ng isang kaibigan at makaraan ang ilang araw na paghahanap, isang residente ang nagreklamo ng mabahong amoy na nagmumula sa nakabukas na bagahe na lumulutang sa ilog.
Agad na tumawag ng pulis ang saksi.
May teorya ang pulisya na ang mga bagahe ay naanod mula sa Caloocan City river patungo sa katabing Sapang Alat River sa San Jose del Monte City.
Inaaalam pa ng mga awtoridad ang mga maaring sangkot sa kaso kaya patuloy pa rin ang imbestigasyon.
