MAHIGIT 17,000 barangay sa bansa ang nasa peligro ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat at isang low-pressure area (LPA), dahilan upang utusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang paghahanda sa sakuna.
Batay sa ulat ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mahigit 17,000 barangay ang may katamtaman hanggang napakataas na posibilidad na makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa mula Agosto 17 hanggang 19.
Dahil dito, inatasan ng DILG ang mga local government unit (LGU) na agad magsagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkasawi at pinsala sa mga komunidad na itinuturing na peligroso.
Kabilang sa direktiba ang pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment para matukoy ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng baha, biglaang pagbaha, pagguho ng lupa, debris flow, malalakas na hangin at iba pang panganib na dulot ng panahon.
Pinagagamit din sa mga LGU ang kanilang hazard maps upang matukoy at unahin ang mga komunidad na nasa flood- at landslide-prone areas. Dapat ding ihanda at ipuwesto nang maaga ang mga tauhan at kagamitan na kakailanganin sa paglilinis ng mga kalsadang maaaring mabara at pagpapanatiling bukas ng mga pangunahing ruta para sa rescue at relief operations.
Sa mga lugar na mataas ang panganib sa baha, dapat mahigpit na bantayan ang lebel ng mga ilog at ipatupad ang preemptive evacuation kapag kinakailangan, lalo na sa mga kabahayan na malapit sa aktibong daluyan ng tubig.
Pinag-iingat din ang publiko sa mga lugar na madaling bahain at pinag-utos sa LGU na panatilihing malinis at walang bara ang mga daluyan ng tubig.
Samantala, tiniyak ng DILG na dapat may sapat at maaasahang suplay ng kuryente ang mga health facility at evacuation center, kabilang ang gumaganang generator, upang hindi maantala ang serbisyo kapag may sakuna.
Ayon naman sa PAGASA, isang LPA na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang posibleng maging tropical depression. Kasabay ng umiiral na habagat, maaari itong magdala ng malalakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha, flash flood at landslide.
Naglabas din ang DILG ng mga paalala para sa mga lugar na nasa panganib ng landslide.
Sa mga lugar na mababa ang susceptibility, dapat bantayan ang mga senyales gaya ng biglaang pagbabago ng agos ng tubig o pagiging maputik ng dating malinaw na tubig.
Sa mga lugar na katamtaman ang panganib, dapat ikonsidera ang maagang paglikas, partikular sa mga nakatira malapit sa paanan ng gullies, sapa at maliliit na daluyan ng tubig.
Ang mga residente naman sa highly susceptible areas ay mahigpit na hinihikayat na lumikas patungo sa mas ligtas na lugar.
Hindi rin dapat agad makabalik ang mga residente sa mga komunidad na tinamaan na ng landslide hangga’t hindi nasusuri ng mga awtoridad ang lugar at idineklarang ligtas.
Binigyang-diin ng DILG na mahalaga ang maagap na pagkilos ng mga LGU upang maprotektahan ang buhay ng mga residente at matiyak na mabilis na makararating ang mga responder sakaling lumala ang kondisyon ng panahon.
