UMABOT na sa 26 ang nasawi habang 17 ang sugatan at isa ang nawawala dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa pinakahuling datos na inilabas nitong Agosto 18, 2026, alas-6 ng umaga.
Pinakamarami ang nasawi sa Benguet na umabot sa 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, tatlo sa Atok at dalawa sa La Trinidad. Karamihan sa mga insidente ay dulot ng landslide.
May naitala ring tatlong nasawi sa Rizal, tatlo sa Batangas, dalawa sa Caloocan, at tig-isa sa La Union, Quezon at Negros Occidental.
Sa mga nasugatan, 12 ang mula sa Benguet, dalawa sa Abra, at tig-isa sa Ilocos Sur, Rizal at Cavite. Karamihan sa mga insidente ay may kaugnayan sa landslide, malalakas na agos, pagbagsak ng puno at vehicular accident.
Samantala, isa pa ang nawawala sa Batangas City.
Aabot naman sa 1,468,226 pamilya o 5,146,748 katao ang naapektuhan sa 10 rehiyon, kabilang ang Regions I, II, III, V, VI at IX, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA.
May kabuuang 313 evacuation centers na naitala, kung saan nasa 6,338 pamilya o 21,591 katao ang kasalukuyang nananatili.
Sa pinsala sa mga ari-arian, 1,989 bahay ang naapektuhan—1,786 ang bahagyang nasira at 203 ang totally damaged.
Tinatayang umabot naman sa P3.1 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P1.42 bilyon sa sektor ng agrikultura.
Samantala, nasa P760.1 milyon na ang kabuuang halaga ng tulong na naipamahagi sa mga apektadong pamilya at komunidad.
