Camp BGen Vicente P. Lim, Calamba City – KUMPISKADO ang 2,929 iba’-ibang kalibre ng baril sa ikinasang mga operasyon ng Police Regional Office Calabarzon bilang paghahanda sa nalalapit na 2025 Midterm Elections upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan , mula Enero 1, 2024, hanggang Agosto 31, 2024.
Pinangunahan ni PRO Calabarzon Regional Director BGen Paul Kenneth T. Lucas ang isinagawang press briefing ngayong araw, Setyembre 3, 2024 kung saan ipinirisinta ang mga kumpiskadong armas na aabot sa 2,929, habang 991 ang loose firearms , 1,938 ang naselyuhan para sa safekeeping sa isinagawang 60,332 operasyon kabilang ang pagpapatupad ng Search Warrants, Checkpoints, Oplan Bakal/Sita, police patrols/responses, at Oplan Katok.
Nakapagtala ang may pinakamaraming bilang ng loose firearms sa lalawigan ng Batangas na may 862, Cavite 586, Laguna 539, Quezon 492, Rizal 408 at Regional Mobile Force Battalion 12 .
Ang mga iba’t ibang baril ay kinabibilangan ng 2,899 small firearms, 30 na light weapons, at 92 homemade firearms, 317 na dinala naman sa crime laboratory upang suriin.
Nagresulta sa pagkakaaresto ng 612 indibidwal sa mga isinagawang operasyon habang 606 ang nakasuhan na sa korte.
Ayon pa kay Lucas , ang kampanya laban sa loose firearms ay magpapatuloy, aniya “Our efforts will not cease until every illegal weapon is removed from the streets and out of the hands of those who would use them to harm others. We are committed to sustaining the momentum we have built and ensuring that our region remains secure as we approach the 2025 elections” .
Ipinahayag din ni Lucas ang kanyang taos-pusong pagbati sa mga tauhan ng PRO Calabarzon para sa kanilang mahusay na trabaho at suporta ng komunidad ng iba’t ibang stakeholders.
Aniya, “Hinihikayat ko ang lahat na patuloy na suportahan ang aming kampanya laban sa kriminalidad. Magtulungan tayo tungo sa isang maayos at maunlad na Bagong Pilipinas, kung saan ang Gusto ng Pulis, Ligtas Ka!” dagdag pa niya.
