APRUBADO na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang proklamasyon na nagtatatag ng mga bagong economic zone sa Tanauan City at Iloilo City upang hikayatin ang pamumuhunan at mapaunlad ang ekonomiya ng mga rehiyon.
Nilagdaan ang mga proklamasyon noong Enero 6 ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto, sa bisa ng awtoridad ng Pangulo.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1127, apat na lupa sa Barangay Pagaspas at Trapiche sa Tanauan City, Batangas ang isinama sa umiiral na First Industrial Township–Special Economic Zone.
Ipinatupad ang proklamasyong ito alinsunod sa Republic Act No. 7916 o Special Economic Zone Act of 1995, na binago ng RA No. 8748 noong 1999, at batay sa rekomendasyon ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Ang pinalawak na economic zone ay may kabuuang sukat na 55,859 metro kuwadrado at malapit sa CALABARZON Road at San Juan River sa Tanauan City.
Samantala, sa ilalim ng Proclamation No. 1128, itinatag ang isang bagong Information Technology Park na tatawaging Atria Gardens sa kahabaan ng Donato Pison Avenue, Barangay San Rafael, Mandurriao District, Iloilo City.
Ang bagong economic zone sa Iloilo City ay may lawak na 48,569 metro kuwadrado at itinatag din alinsunod sa RA No. 7916 na binago ng RA No. 8748, kasunod ng rekomendasyon ng PEZA.
Inaasahang ang pagtatatag at pagpapalawak ng mga economic zone na ito ay makaaakit ng mas maraming puhunan, lilikha ng mga trabaho, at magpapalakas sa ekonomiya ng mga rehiyon. |
