NAGLABAS ng Show Cause Order ang Land Transportaion Office laban sa may-ari ng motorsiklo at rider na sangkot sa insidente ng road rage na kumakalat sa social media.
Sa viral video, kung saan nakita ang paghawak ng kutsilyo ng rider sa pampublikong daanan at umambang may sasaksakin.
Kaya naman agad na ipinag-utos ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang show cause order , aniya “Ang paggamit ng anumang uri ng patalim sa kalsada ay hindi lamang labag sa batas kundi isang direktang banta sa buhay at kaligtasan ng lahat. Ang road rage ay walang lugar sa ating mga daanan – bawat isa ay dapat magmaneho nang may disiplina at respeto sa kapwa. Hahawakan natin ang kaso na ito nang mabilis dahil ang kaligtasan ng publiko ay ating priyoridad,” .
Batay sa SCO, inaatasan ang mga nasabing indibidwal na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa East Avenue, Quezon City, sa ika-21 ng Enero 2026, alas-1 ng hapon, upang magsumite ng Verified or Sworn Comment/Explanation kasama ang mga kaukulang orihinal na dokumento.
Layunin nito na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang lisensya sa pagmamaneho, dahil maaari silang ituring na Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Inilalagay din sa alarm status ang motorsiklong sangkot sa insidente at sinuspinde naman pansamantala ng siyamnapung (90) araw ang lisensya ng rider na kasangkot at kailangan nitong ibigay ang nasabing lisensya sa LTO sa sandaling matanggap ang Show Cause Order.
Binigyang-diin ng LTO na ang kawalan ng pagdating at paghahain ng hiling na paliwanag ay ituturing na pagsang-ayon na ibalewala ang karapatan nilang marinig ng opisina, at ang desisyon sa kaso ay batay sa ebidensyang makukuha.
