DALAWANG binatilyo ang nasawi makaraang malunod noong Lunes sa palaisdaan sa Bgy. Burgos, Moncada, Tarlac.
Sa ulat ng Tarlac police kay Police Regional Office 3 (PO3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. na ang mga biktima ay sina Merco, 16; at Teo, 13, kapwa residente ng Bgy. San Julian sa Moncada.
Lumabas sa imbestigasyon na lumalangoy ang mga biktima sa isang palaisdaan nang sila ay tangayin sa malalim na bahagi ng tubig.
Nagsagawa ng search and retrieval operations ang mga rumespondeng tauhan ng Moncada Police Station, kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Narekober ang bangkay ng mga biktima makalipas ang mahigit dalawang oras.
