DALAWANG “high-value target” ang inaresto ng mga operatiba noong Linggo at nasamsam ang mahigit P7 milyong halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Bgy. Malabanias, Angeles City.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, Angeles City police acting director Col. Joselito Villarosa Jr., kinilala ang mga suspek na sina alyas “Usup,” 36, Bgy. LNW, Angeles City; at alyas “Tobats,” 31, mekaniko at residente ng Bgy. Lourdes Sur, Angeles City.
Ayon kay Station 4 commander Maj. Marlon Ventus, mga miyembro ng City Intelligence Unit, ikinasa ng Angeles City Police Station ang buy-bust sa dalawang suspek na sangkot umano sa pambibiktima ng mga Korean national sa Korea Town sa Bgy. Anunas, Bgy. Balibago at Bgy. Pampang.
Isinagawa ang koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Officer 3 para sa operasyon, kasama ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Police Stations 4 at 6, Angeles City Drug Enforcement Unit, at CIU, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at nakumpiska ang nasa 1,043.01 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,092,468.
Nasamsam din ang isang cal. .45 na baril, suppressor/silencer at 12 live na bala, mga drug paraphernalia, isang sasakyan na ginagamit sa kalakalan ng iligal na droga, at ang marked at boodle money.
Sinabi ni Villarosa na ang mga naarestong suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code.
