NASAWI ang dalawang katao habang 1 naman ang sugatan makaraang maaksidente ang kanilang sinasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Bgy. Caanawan, nitong Sabado .
Kinilala ang mga otoridad ang nasawi na sina Feliciano Jardinez III, 24, residente ng Bgy. Burgos, Carranglan, Nueva Ecija, at John Leo Balcita, 17, ng Bgy. Caanawan, San Jose City.
Ang nasugatan ay ang pasahero ni Balcita na si King Leander Peralta, 22-anyos.
Ang mga sasakyang nasangkot sa aksidente ay isang Isuzu Giga aluminum wing van truck na minamaneho ni Rino Sales, 50, residente ng San Miguel, Bulacan; isang Honda Click na motorsiklo na minamaneho ni Jardinez; at isang Yamaha Mio motorcycle na minamaneho ni Balcita.
Makikita sa kuha ng CCTV mula sa lugar na ang trak at ang Honda Click ay parehong patungong Science City ng Muñoz nang umano’y tangkaing mag-overtake ang sakay ng motorsiklo.
Habang nasa kabilang lane, bumangga ang Honda Click sa paparating na Yamaha Mio, sa matirik na lugar patungong San Jose.
Ang Honda Click at ang sakay nito ay nabangga ng trak at nakaladkad nang humigit-kumulang lima hanggang 10 metro.
Ang Yamaha Mio at ang dalawang sakay nito ay tumilapon sa gilid ng kalsada.
Itinakbo ang lahat ng biktima sa Ospital ng Lungsod ng San Jose, kung saan idineklarang dead on arrival sina Balcita at Jardinez.
Ang drayber ng trak ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Jose City Police Station habang patuloy ang imbestigasyon.
