
NAILIGTAS ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Malaysia ang dalawang Pinay na ni-recruit ng hinihinalang African Drug Syndicate para maging drug mules.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na nailigtas nila ang dalawa at naibalik sila sa Pilipinas.
Iniharap ng NBI ang dalawang Pinay na nakatakip ang mukha at itinago ang mga pangalan, matapos mapauwi noong Pebrero 5 kasunod ng rescue operation na isinagawa ng lokal na pulisya sa Malaysia.
Ayon kay Santiago, inaresto rin ng Malaysian police ang isang babaeng African courier at nakuha mula sa kanyang 2.3 kilo ng cocaine
Nasamsam ang 2.3 kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P15 milyon, na itinago sa itim na carbon paper at pinahiran ng brown substance upang maiwasang matuklasan.
Bago hindi sinasadyang maihatid ng mga biktima ang iligal na droga sa Hong Kong, ang NBI, sa tulong ng embahada ng Pilipinas sa Malaysia, ay nakipag-ugnayan sa Narcotics Crime Investigation Department (NCID) ng Royal Malaysia Police upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Pinauwi ng NBI ang dalawang Pinay, kaya hindi sila nahaharap sa kasong droga sa Malaysia.
Sinabi ni Santiago na sinisikap nilang kilalanin at arestuhin ang Pinay recruiter na kumuha sa dalawang babae.