HINDI na kailangang maging sikat o makapangyarihan upang matawag na bayani.
Ito ang mensaheng ipinakita ng Senate Minority Bloc sa pangunguna ni Minority Leader Alan Peter Cayetano nang parangalan nito ang 20 service workers, volunteers at community frontliners na nagpakita ng pambihirang tapang, malasakit at dedikasyon sa kapwa.
Isinagawa ang pagkilala sa Senado noong Setyembre 2, 2026 sa ilalim ng programang “Ordinaryong Pilipino sa Ekstraordinaryong Pagkakataon: Mga Kwento ng mga Bagong Bayani sa Makabagong Henerasyon,” bilang bahagi ng paggunita sa National Heroes Day.
Kabilang sa mga ginawaran ang mga security guard na sina Elmer P. Ausente at Jeffrey Resurreccion; Army reservists Abegail J. Falguera, Eva B. Sarcilla at John Lloyd G. Tica; child advocate volunteer Sarah Tullos; missionary Ferdinand D. Medina; at SPED teacher at missionary dentist Dr. Irene S. Manalon.
Kinilala rin sina barangay health workers Maria Noemi G. Elaba at Daisy C. Petina; nurses Belinda Cresencio De Padua at Ma. Delia O. Papa; at transport at delivery workers Gerry Suba, Mary Grace Salvador, Benjie Saquing at Bryan M. Serrano.
Kasama rin sa pinarangalan sina bicycle delivery rider at fire volunteer Mark Alfredo Fortunato, student at fire volunteer Japh O. Belchez, working student Franze Nathaniel R. Santiago at service crew member Stephen Howard Rayperan.
Binigyan ang bawat isa ng simpleng handog bilang pagkilala sa kanilang serbisyo, sakripisyo, katatagan at malasakit sa kapwa.
Hinimok ni Cayetano ang mga pinarangalan na huwag maliitin ang halaga ng kanilang mga kuwento at karanasan, dahil maaari itong magsilbing inspirasyon sa iba.
Ayon kay Cayetano, maraming Pilipino ang tahimik na tumutulong at nagsisilbi sa komunidad nang walang hinihintay na kapalit o pagkilala.
“Marami sa inyo hindi napapansin ’yung work niyo. It’s not really about credit, but really about giving inspiration na sa hirap ng buhay, sa sobrang toxic ng pulitika, mayroon pa rin talagang mga tao who go beyond,” ani Cayetano.
Isa sa mga tampok na kuwento ang kay Ausente, isang security guard sa Manila Central University na nag-viral matapos gumamit ng megaphone upang palakasin ang loob ng mga kumukuha ng nursing board exam.
Hindi umano niya ito ginawa para sumikat kundi upang mabawasan ang kaba ng mga examinee, lalo na ang mga walang kasamang pamilya o kaibigan.
Sa 16 taon niyang pagtatrabaho bilang security guard, siya rin ang bumubuhay sa kanyang apat na anak na nasa senior high school.
Samantala, nagsimulang magboluntaryo noong kolehiyo ang 22-anyos na Army reservist na si Tica. Sumailalim siya sa iba’t ibang pagsasanay at ngayon ay aktibong tumutulong sa rescue operations at nagtuturo ng first aid at basic life support sa mga paaralan, barangay at tanggapan ng gobyerno.
Isa rin sa kinilala si delivery rider Bryan Serrano na nakapagsagip sa isang batang nahulog mula sa ikalawang palapag ng isang bahay. Dahil sa kanyang ginawa, tinawag siyang “guardian angel” ng pamilya ng bata.
Dumalo rin sa programa sina Senators Pia Cayetano, Bong Go, Mark Villar, Camille Villar, Robinhood Padilla at Imee Marcos upang personal na makiisa sa pagkilala sa mga bagong bayani.
Binigyang-diin naman ni Cayetano na hindi dapat nagtatapos sa pagkilala ang suporta sa mga taong patuloy na nagsisilbi sa kanilang komunidad.
Ayon sa minority leader, dapat samahan ng konkretong programa at pangmatagalang suporta ang pagkilala sa mga ordinaryong Pilipinong gumagawa ng ekstraordinaryong bagay para sa kapwa.
