HUMIGIT -kumulang 200 high-value detainees sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang malapit nang ilipat sa isang maximum-security facility , ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes.
Sinabi ni Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. na nagkaroon ng pagpupulong kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang talakayin ang mga plano para sa pagtatatag ng isang pasilidad na may pinaka mataas na seguridad na tirahan ng mga preso na diumano’y sangkot sa ilegal na droga.
Ang pangunahing layunin ay pagbuwag ng komunikasyon sa kalakalan ng droga, sabi ni Remulla.
Sa paghahalughog sa loob ng NBP, nakumpiska ng mga awtoridad ang mga cellphone at iligal na droga sa kabila ng mga naunang pagsalakay at kasalukuyang iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang pinagmulan ng droga sa loob ng NBP.
Nakipagpulong si Pangulong Marcos sa DILG, Department of Justice (DOJ), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police (PNP) para palakasin ang pagtutulungan sa paglaban ng administrasyon laban sa ipinagbabawal na narcotics.
At ipinag-utos ni Pangulong Marcos na gumawa ng mga proactive na hakbang.
“Sa tingin ko ang mga operasyon (maximum facility ) ay magsisimula na sa lalong madaling panahon. And we should see a marked difference in the war against drugs in the Philippines,” sinabi rin ni Secretary Remulla at tumanggi siya na magbigay ng mga detalye tungkol sa lokasyon ng pasilidad.