
Inilahad ito sa ginanap na RAFC IV-A Exit Conference at Year-End Review noong ika-12 ng Enero, 2023. Dito ay ibinahagi ng PMT ang resulta ng kanilang pagbisita at pagtingin ng kalagayan sa mga proyekto, maging ang namataang isyu sa mga ito.
Tinatayang 220 na proyekto ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang aktibong nagagamit at napapakinabangan ng mga magsasaka batay sa pagsubaybay ng mga Provincial Monitoring Team (PMT) ng Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) IV-A sa taong 2022.
Ang RAFC ang nagsisilbing kinatawan ng pribadong sektor ng agrikultura sa rehiyon at katuwang ng DA, partikular sa pagbabantay ng mga interbensyon na ibinababa ng kagawaran sa mga benepisyaryo. Umaalalay din sila sa paggawa ng mga polisiya na maaaring ipatupad bilang pagtugon sa mga problema.
Ilan sa mga naturang proyekto ay ang konstruksyon ng Farm-to-Market Road (FMR), Irrigation Canal Rehab, Wood Vinegar Facility, at mga naipamahaging kagamitan gaya ng combine harvester, four-wheel tractor, grass cutter, knapsack sprayer, rice mill, coffee roaster, at iba pa.
Sa kanyang mensahe, ipinarating ni DA-4A Regional Executive Director Milo delos Reyes ang kahalagahan ng pagrerekomenda ng mga polisiya para sa ikauunlad ng agrikultura na siyang pinakabasehan sa matagumpay na paglilingkod ng RAFC.
Sinuportahan naman ito ni RAFC IV-A Chairperson Pedrito Kalaw na nagbahagi ng pangunahing bisyon niya para sa RAFC ngayong taong 2023 na mapalakas pa ang mga sectoral committee at ang relasyon sa pagitan ng mga miyembro nito. Samantala, nagkaroon din ng paggagawad sa mga natatanging miyembro ng RAFC IV-A na nagkaloob ng mga sertipiko.
Binuo ito nina Mariano Alvarez bilang Outstanding Pilot Municipal Agricultural and Fishery Council (MAFC); Dolores Durana (Most Promising Pilot MAFC Chairperson); Flordeliza Maleon para sa Most Promising Provincial and Highly Urbanized City Agricultural and Fishery Council (PAFC/HUCAFC) Chairperson; Sofia Mendoza (Dedicated PAFC/HUCAFC Coordinator); Sherwin Kenneth Deloraya (Most Promising PAFC/HUCAFC Coordinator); Sancho Buncha (Consistent RAFC Sectoral Committee Chairperson); at Joseph Villegas (Most Promising RAFC Sectoral Committee Chairperson). Ang PAFC Batangas naman ang nagkamit ng Outstanding PAFC/HUCAFC.