KUMPIYANSA si Mayor Anthony Genuino ng Los Baños, Laguna na mas masaya, mas makukulay, at mas environment-friendly ang ika-23 na Bañamos Festival ngayong taon kasabay ng pagdiriwang ng bayan ng ika-409 na anibersaryo.
Magsisimulang ganapin ang festival simula Setyembre 17 hanggang 22 ang pagdiriwang na may temang “Patuloy ang Progreso sa Matatag na Bayan ng Bagong Los Baños,” kung saan itatampok ang isang serye ng mga bagong kaganapan upang mapalakas ang turismo at maganyak ang mga kabataan na makilahok sa mga sports at malikhaing aktibidad.
Sinabi ni Mayor Genuino sa ginanap na press conference kamakailan , “Magkakaroon tayo ng hot air balloon fair, na makikita mo lang sa Pampanga. Ngayon ay nandito na ito sa South at sa Los Baños lamang makikita .
Ayon pa kay Genuino, kabilang sa mga bagong pakaaabangan ang flower and garden show na naglalayong ipamalas ang kagandahan ng kalikasan sa pamamagitan ng mga floral display at arrangement competition.
Magkakaroon din ng “Murals of Makiling” contest, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga batang artist na ipakita ang kanilang mga kasanayan sa pagpipinta.
Mayroon ring Makiling Photography Contest na may temang “The Beauty and Nature of Los Baños, Laguna,” na gaganapin sa Philippine High School for the Arts (PHSA), na nagpapakita ng mga lokal na talento.
Para naman sa mga may murang edad isang kompetisyon ang gaganapin na maaari silang makilahok sa Aqua Games, at Padyak LB Kiddie Edition, isang kompetisyon sa pagbibisikleta na idinisenyo upang hikayatin ang mga bata na makilahok sa mga sports .
Natatangi rin ang karagdagan sa festival ngayong taon tulad ng Drone Light Show, na magpapailaw sa kalangitan na may mga nakamamanghang visual effectna gaganapin sa University of the Philippines (UP) Los Baños Freedom Park sa Setyembre 21.
Ayon pa sa alkalde , magkakaroon din ng mga aktibidad tulad ng Zumba, at Fun Run. Ang battle of the band naman ay pinalitan ng isang grand revelry.
Tinatayang nasa humigit-kumulang 60,000 local at international na bisita ang dumalo noong nakaraang taon, kaya naman kumpyansa ang alkalde na mas mahihigitan ito ngayong taong 2024.
“Noong unang taon ng Bañamos Festival, nakakuha kami ng 50,000 turista at 60,000 noong nakaraang taon. Inaasahan namin na mas marami pa ngayong taon,” ani ni Mayor Genuino.
Maituturing ang festival na isang family affair hindi lamang para sa taunang selebrasyon ng Los Banos.
Samantala, ang mga hot spring resort sa Los Baños ay mag-aalok ng malaking diskwento para sa mga bisita .