NATAGPUANG patay ang isang opisyal ng Muntinlupa Police Station at ang kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa Alabang, Muntinlupa noong Lunes ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Capt. Aminoden Mangonday, hepe ng Community Affairs Section ng Muntinlupa Police, at ang kanyang asawang si Mary Grace, parehong 40-taong gulang.
Sugatan namang ang 12-taong gulang na anak ng mag-asawa matapos siyang barilin ng suspek.
Batay sa imbestigasyon, isang hindi pa nakikilalang armadong lalaki na nakasuot ng itim na jacket at pantalon ang nagbukas ng gate ng mga biktima sa Tierra Villas sa Ilaya Street bandang 1:10 ng madaling araw noong Lunes.
Ang suspek ay umakyat sa ikalawang palapag at binaril si Mangonday na noon ay natutulog sa sala.
Nakapasok ang suspek sa bahay matapos iwanang bukas ang pinto sa ikalawang palapag.
Matapos barilin angbiktima , nagtungo ang suspek sa kwarto at binaril ang babae habang natutulog din .
Narinig ng anak ng mga biktima ang kaguluhang nangyari na noon ay nasa kanyang kwarto ngunit binaril din ito ng suspek bago ito mabilis na tumakas.
Noong Hulyo, kinilala si Mangonday bilang isang “Outstanding PCAD (Police Community Affairs and Development) Junior Police Commissioned Officer.”
Tatlong persons of interest ang tinitingnan ng mga awtoridad sa krimen ngunit tumanggi munang magbigay ng karagdagang detalye dahil patuloy pa ang imbestigasyon.
“Meron na kaming tatlong POIs (persons of interest). Isang anggulong tinitingnan namin ay kung saan ‘yung misis ay idinemanda ‘yung tatlong personalities sa kanyang negosyo… Online live selling ng cosmetics. Dahil sa matagal na nila itong sinimulan, malaki na rin ang involved na pera,” sabi ni Muntinlupa police chief investigator Capt. Fernando Niefes sa isang panayam sa telebisyon.
Samantala, inatasan ni National Capital Region Police Office Director Maj. Gen. Melencio C. Nartatez Jr. si Southern Police District (SPD) Director Brig. Gen. Leon Victor Z. Rosete na siyasatin ang lahat ng posibleng motibo sa likod ng pamamaslang sa mga biktima at agad na tukuyin at hulihin ang suspek.