SINAMPAHAN ng kasong murder ang tatlong suspek sa pamamaril at pagpatay kay Judge Joseph Wee Sit ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 sa Isabela City, Basilan, sa Zamboanga City.
Ayon kay Police Regional Office 9 (PRO-9) director Brig. Gen. Elmer E. Ragay nitong Lunes, inihain ang reklamo sa Zamboanga City Prosecutor’s Office noong Sabado ng hapon.
Ang reklamo ay inihain ng PRO-9 Special Investigation Task Group (SITG) “Wee Sit,” na binuo upang pangunahan ang imbestigasyon at pagtugis sa mga responsable sa pagpatay sa hukom.
Binawian ng buhay ang mahistrado matapos pagbabarilin dakong alas-5:25 ng umaga nitong nakaraang Huwebes habang patungo sa pantalan ng Zamboanga City upang bumiyahe pauwi sa Basilan.
Walang anumang babala o pakikipagtalo bago siya pagbabarilin ng mga suspek.
Kabilang sa mga kinasuhan ang hinihinalang gunman na hindi muna pinangalanan, ang drayber ng ginamit na motorsiklo sa pagtakas, at ang drayber ng ikalawang sasakyang ginamit sa pagtakas.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang tatlong suspek hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi ni Ragay na ipinakikita ng pagsasampa ng kaso ang pangako ng PRO-9 na makamit ang hustisya sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon, matibay na ebidensya at koordinasyon ng mga kinauukulang yunit.
Inatasan din niya ang SITG na ipagpatuloy ang mga hakbang upang higit pang patibayin ang kaso at matiyak na mananagot sa batas ang mga sangkot.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na dapat manaig ang hustisya sa pagpaslang kay Wee Sit.
Iniutos ni Nartatez ang agarang pagpapakilos ng mga tauhan at iba pang investigative resources upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.
Ayon sa PNP chief, hindi maaaring balewalain ang karahasan laban sa sinumang miyembro ng hudikatura dahil nagdudulot ito ng seryosong pangamba sa kaligtasan ng mga lingkod ng katarungan at sa pagpapatupad ng batas.
Hinimok din niya ang sinumang nakasaksi sa insidente na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang makatulong sa imbestigasyon at pagpapabilis ng pag-usad ng kaso.
