
TATLONG language training centers ang ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal recruitment at human trafficking sa magkasabay na operasyon sa Bulacan at Cebu kaninang umaga, 16 May 2025.
Ipinasara ang IWA Language Learning Center na matatagpuan sa Unit 18 Twin Plaza Complex, KM. 42 McArthur Highway, Bulihan, Malolos, Bulacan; Aseanway Learning and Development Center na matatagpuan sa Unit 6 Paseo Building 2, Rocka Drive Villares, Pio Cruzcosa, Calumpit, Bulacan at Aseanway Learning and Development Center Cebu branch sa 2nd Flr., Menzi Bldg., Pajo, Lapu-Lapu City, Cebu.
Ang nasabing mga illegal recruitment agencies na nagpapanggap bilang learning centers ay ang ika-11, 12 at 13 na establisyimento na ipinasara ng DMW-Migrant Workers Protection Bureau nitong 2025. Ito ay alinsunod sa marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang ating mga overseas Filipino workers (OFWs) at hinahabol ang mga illegal recruiter at human traffickers.
“Sa utos ng ating mahal na Presidente at ni Secretary (Hans Leo) Cacdac na lahat ng iligal na establisimiyento na nangangalap ng mga manggagawa nang walang lisensya mula sa DMW ay ating ipapasara,” said Undersecretary Bernard P. Olalia who led the closure operations in Malolos.
Ipinaliwanag ni MWPB Director Geraldine Mendez na nagsimula ang operasyon ng IWA Language Center noong 2025 sa modus na i-refer ang kanilang mga estudyante sa kanilang mga partner recruitment agencies pagkatapos nilang matapos ang kanilang mga pagsasanay. Humihingi umano ang language center ng P50,000 hanggang P70,000 sa kanilang mga trainees kapalit ng trabaho sa Japan, Korea at ilang bansa sa Europe bilang factory worker, hotel staff, agriculture workers, at fruit pickers.
Binigyang-diin ni Undersecretary Olalia na ang pakikipagsabwatan ng mga unlicensed language center at recruitment agencies ay lubos na labag sa batas. Sa kabila ng pagkakaroon ng lisensya mula sa TESDA, sinabi niya na ang language center ay hindi awtorisado na kumuha, mag-refer, at makakuha ng mga manggagawa para sa mga trabaho sa ibang bansa.
Samantala, pinangunahan ni Assistant Secretary Jerome A. Alcantara ang operasyon ng Calumpit laban sa Aseanway Center na nagsasagawa ng parehong modus ng pagre-refer sa kanilang mga trainees sa kanilang mga partner agencies.
Kasabay nito, pinangunahan ni MWPB Director III Eric D. Dollete ang pagsasara ng isa pang language center na may katulad na pangalan ng Aseanway Learning and Development Center na matatagpuan sa 2nd Floor ng Menzi Bldg., Pajo, Lapu-Lapu City, Cebu.
Sinabi ni Undersecretary Olalia na nagsasagawa na sila ngayon ng full-investigation sa pagkakakilanlan ng mga rehistradong may-ari ng mga establisyimento, dahil sa posibilidad na pinatatakbo ng single person o isang pamilya.