
INARESTO ng pulisya ang driver ng isang alkalde dahil sa umano’y pagbili ng boto sa Bulacan noong araw ng halalan.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Jean Fajardo, ang San Jose del Monte City police ay nabatid na noong Mayo 12, isang sasakyan na may pangalan ng mayoral bet ang nakitang umiikot sa Tungkong Mangga Elementary School sa Bgy. Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan.
Agad namang rumesponde ang mga operatiba ng Jose Del Monte City Police Station at City Traffic Management Office (CTMO) at nakita ang isang 62-anyos na umano’y driver ng kandidato sa pagka-alkalde na namamahagi ng food packs sa mga botante.
Agad na inaresto ang lalaki dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code o Batas Pambansa 881, na nagsasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang pamamahagi ng pagkain, pera, o anumang mahahalagang bagay na maaaring makaimpluwensya sa isang botante.
“Mahigpit na ipinatupad ng PRO3 ang mga batas sa halalan upang matiyak ang integridad ng katatapos na halalan. Hindi tayo magdadalawang-isip na magsampa ng kaso laban sa sinumang lalabag sa batas. Ito ay alinsunod sa direktiba ng ating PNP chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil, at sa panawagan ng ating mahal na Pangulo (Ferdinand Marcos Jr.) para sa isang halalan na tunay na sumasalamin sa sinabi ng taumbayan,” Fajardo.