QUEZON CITY — Isinusulong nina Reps. Ferdinand Hernandez, Miro Quimbo at Jesus “Bong” Suntay ang House Bill No. 10808 na naglalayong ipagpaliban ng dalawang taon ang pagpapatupad ng ilang probisyon ng Republic Act No. 12001 o Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA).
Sa ilalim ng panukala, pansamantalang hindi gagamitin bilang batayan sa pagkukuwenta ng national at local taxes, fees at charges ang mga bagong o binagong Schedule of Market Values (SMVs). Kasama rin dito ang general revision ng real property assessments. Sa halip, mananatili muna ang kasalukuyang valuation bases.
Gayunman, hindi nangangahulugang ihihinto ang mga paghahandang teknikal ng pamahalaan. Maaari pa ring ipagpatuloy ang pangangalap ng datos, konsultasyon, capacity-building at pagbuo ng mga information system habang pansamantalang ipinagpapaliban ang epekto sa buwis ng mga bagong valuation.
Ayon sa mga mambabatas, layunin ng HB 10808 na bigyan ng pansamantalang ginhawa ang mga pamilya, property owners at negosyo sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin at mabagal na paglago ng ekonomiya.
Iginiit nilang hindi nito tinatalikuran ang reporma sa property valuation, kundi nagbibigay lamang ng maingat at pansamantalang adjustment upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng mga obligasyon sa buwis.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Finance na magsagawa ng malawakang pagsusuri sa posibleng epekto ng bagong SMVs sa real property taxes, housing affordability, renta, gastos sa negosyo, agrikultura, investments, estate tax, donor’s tax, capital gains tax, documentary stamp tax at kita ng mga lokal na pamahalaan.
Mula rito, inaasahang maghahain ang DOF ng mga rekomendasyon para sa mga safeguard na makapipigil sa biglaan, sobra o hindi makatarungang pagtaas ng tax liabilities.
