NATIMBOG ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong nagpapanggap na Pinoy sa Zamboanga del Sur.
Ikinaalarma ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang patuloy na paggamit ng illegally-acquired Philippine identity matapos arestuhin ng ahensya si Wang Yunpeng, 46, sa Purok Magallanes, Brgy. Tikwas sa Dumalinao, Zamboanga del Sur noong Hunyo 16.
Napag-alaman si Wang itinalaga ang kanyang sarili bilang isang Pilipino, at diumano ay may hawak ng dokumentong Filipino citizenship. Sinabi ni Wang na siya ay nagpapatakbo ng negosyong coconut charcoal mula noong 2022, nang walang kaukulang permit at visa.
Inaresto rin kasama niyang si Liu Yang, 45, na natagpuan ding nagtatrabaho nang walang permit sa negosyo ni Wang.
Arestado rin noong araw ding iyon sa isang shopping center sa Molave, Zamboanga del Sur si Lin Shaozhang, 34 anyos na natagpuang namamahala sa nasabing negosyo. Napag-alamang nililinlang ni Lin na sinasabing isa siyang Filipino citizen , at mayroon siyang Philippine Driver’s License na nagsasaad ng kanyang nasyonalidad.
Isa pang hinihinalang pekeng Pinoy ang naaresto sa paligid na isang Intsik na kinilalang si Wang Jingcai, 41 anyos na natagpuan namang namamahala sa isang tindahan ng cellphone. Mayroon din siyang Driver’s License na nagsasaad ng kanyang nasyonalidad bilang Filipino.
Ang lahat ng mga dayuhan ay dinala sa Zamboanga del Sur Provincial Police Office para sa inquiry, police blotter, at safekeeping at ililipat sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig kung saan sila ay mananatili habang nahaharap sa isang deportation case.
Ang pag-aresto ay nagmumula sa pinaigting na kampanya ng BI laban sa mga ilegal na dayuhan na gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sinabi ni Viado na nananatiling problema ang iligal na paggamit ng pagkakakilanlan ng Pilipinas dahil ang mga dayuhan ay nakakakuha ng mga tunay na dokumento ng Pilipinas sa kabila ng hindi karapat-dapat para sa pagkamamamayan. Aniya, ang mga dayuhang nagpapanggap na Pinoy ay maaaring naglalagay ng kanilang sarili sa bansa para sa paniniktik, o para gumawa ng mga kriminal na aktibidad.
Ibinahagi ni Viado na ang mga intelligence operatives ng BI sa Rehiyon 9, sa pakikipag-ugnayan sa mga intelligence unit ng Philippine army at Armed Forces of the Philippines, at 53rd Infantry Battalion, ay nagsagawa ng serye ng pag-aresto sa peninsula.
