San Fernando City, La Union – Isang SUV ang bumangga sa isang trisikel sa may Badoc Bridge sa Barangay Pasuc, Ilocos Norte kahapon ng umaga Abril 21, 2025.
Ayon kay P/Capt. Elison Pasamonte, Hepe ng Badoc Municipal Police Station, ang driver ng puting Toyota Fortuner ay isang 19 years old na si Lisa Andrea Romero y Indionela, residente ng Poblacion 2, Pagudpud, Ilocos Norte habang ang driver naman ng trisikel ay kinilalang si Avelino Laforga, 73 years old at residente ng Barangay Pasuc, Badoc, Ilocos Norte at ang kasama nitong pasahero na na si Razel Fernandez, 51 years old, at residente naman ng Barangay Parang.
Sa ginawang imbestgasyon ng Badoc MPS, ang SUV ay galing Pagudpud at nawalan ng kontrol kaya umagaw ng linya at sumalpok sa paparating na trisikel.
Dinala ang trisikel driver na nagtamo ng mga sugat sa katawan bunga ng pagkakatilapon nito sa ibaba ng tulay at ang kanyang pasahero sa Corpuz Clinic and Hospital sa Sinait, Ilocos Sur. Ang driver ng SUV naman at mga kasama nito ay nagtamo ng minor injuries.
Dagdag pa ni Pasamonte , nakatulog aniya ang driver ng SUV nang nangyari ang aksident.
Isang driver naman ang nagbigay ng actual footage sa mga otoridad na kuha sa kanyang videocam sa nangyaring insidente na kung saan ay makikitang nagpunta sa kabilang linya ang SUV at hindi umiwas sa paparating na trisikel kaya ito ay bumangga.
Pinaalalahanan naman ni Pasamonte ang mga motorista na maging alerto sa pagmamaneho at huwag ng mag-drive kung pagod at inaantok upang makaiwas sa disgrasya.
