INARESTO ang tatlong indibidwal dahil serye ng pagnanakaw ng krudo matapos ang pagmamanman ng mga otoridad noong Hunyo 5, 2026, sa Brgy. Libag Norte, Tuguegarao City.
Isang impormasyon ang nakuha sa pamamagitan ng CCTV surveillance mula sa Tuguegarao Command Center, kung saan minanmanan ng mga awtoridad ang isang puting Hi-Ace commuter van na umano’y may kaugnayan sa serye ng mga insidente ng pagnanakaw ng krudong langis sa lungsod.
Pagdating sa Maharlika Highway sa Brgy. Libag Norte, isa sa mga sakay nito ang namataang pumapasok sa perimeter ng isang pasilidad, na nag-udyok sa agarang pagresponde ng pulisya at pag-deploy ng mga SWAT unit, na nagresulta sa pag-aresto sa tatlong lalaking suspek mula sa Tabuk City, Kalinga.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang improvised caliber .22 rifle, 12 bala, dalawang mobile phone, 11 empty gallons, dalawang hose na pinaniniwalaang ginamit sa pagsipsip ng krudo, at isang plaka ng sasakyan.
Narekober din ng mga awtoridad ang limang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.
Ang mga suspek ay mahaharap sa mga kasong Tangkang Pagnanakaw, paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng kasabwat at iba pang kaugnay na insidente.
