
DINALA na sa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Tatlongpu’t dalawang bata mula sa Children’s Joy Foundation, Inc. (CJFI), isang care facility na kaanib ng Kingdom of Jesus Christ (KOJ) na itinatag ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Standards and Capacity Building Group (SCBG) Janet Armas, ang CJFI ay walang bisa na Certificate of Registration and License to Operate (CRLTO) para sa kanilang limang residential facilities sa Region 3 (Central Luzon), Region 4A (Calabarzon), Region 7 (Central Visayas), Region 11 (Davao Region), at National Capital Region (NCR).
“Sa ngayon ay wala po silang registration at license. Mayroon tayong limang centers sa Regions 3, 4A, 7, 11 at NCR. Nakipag-usap kami sa executive director at maganda ang naging resulta. Na-transfer po ang mga bata mula sa limang centers. May na-reintegrate sa kanilang mga pamilya, mayroon ding na-transfer sa ating mga licensed Social Welfare and Development Agencies (SWDAs), at sa mga centers ng DSWD,” sabi ni Armas.
Sa 32 bata mula sa CJFI, sinabi ng opisyal ng SCBG na 13 ay kasalukuyang nananatili sa mga residential care facilities ng DSWD at SWDAs habang 14 ay na-reintegrate na sa kanilang mga pamilya.
Ang natitirang limang bata ay nasa foster care o kasalukuyang inihahanda para sa independent living.
Noong nakaraan, sa isa sa mga pagdinig ng Senado, inutusan ng mga senador ang DSWD na suriin ang lahat ng SWDAs na kaugnay ng KOJC upang matiyak ang kapakanan ng mga bata sa mga centers.
Sinabi ni Armas na hindi nakamit ng CJFI ang mga kinakailangan ng DSWD para sa renewal ng kanilang CRLTO.
Ang aplikasyon ng CJFI ay naka-hold hanggang sa maipakita nito ang financial capacity upang mapanatili ang kanilang operasyon.
Nagbigay din si Armas ng update sa kalagayan ng mga bata mula sa Gentle Hands Inc. (GHI) na nailipat sa mga residential care facilities ng DSWD.
Ang GHI ay naharap sa mga isyu at paglabag, kabilang ang mga faulty fire exits at labis na bilang ng mga palapag sa kanilang gusali, na nagresulta sa pag-isyu ng Cease-and-Desist Orders (CDOs) mula sa DSWD laban sa pribadong child caring facility.