AGAD na umaksiyon si Laguna 1st District Representative Ann Matibag sa pamamahagi ng tulong sa mga residenteng nasalanta ng landslide sa Barangay Sampaguita, San Pedro City nitong Huwebes ng gabi, Hulyo 17, 2025.
Personal na tinungo ni Rep. Matibag ang lugar ng insidente para alamin ang sitwasyon ng may 37 indibidwal o nasa pitong pamilyang biktima na nawalan ng tahanan bunsod ng pagguho ng lupa.
Agad namahagi ng tig P10, 000 cash assistance, grocery packs ang tinaguriang “Lagunanay” sa bawat apektadong pamilya kasabay din ang pag-abot ng iba pang relief goods tulad ng hygiene kits sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of the Civil Defense (OCD).
Bahagi din sa naturang relief efforts ang Zonta Club of Laguna.
Nanawagan naman si Rep. Matibag sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa iba pang ahensya ng gobyerno para sa agarang pagkilos at rehabilitasyon ng nasirang imprastraktura.
“Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan, nananawagan tayo ng pagkakaisa at mabilis na tugon upang maibalik ang kanilang kaligtasan at maayos na pamumuhay” pahayag ni Rep. Matibag.
Pasado alas 10 ng gabi ng Huwebes nang biglang gumuho ang malaking bahagi ng riprap sa nasabing barangay sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng “habagat” na pinalakas ng bagyong “Crising”.
Kasalukuyang sumisilong ang apektadong mga pamilya sa Barangay Hall bilang evacuation site ng mga ito.
