INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang 37 Chinese national na natagpuang nagtatrabaho sa isang construction site sa Cotabato City.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga Chinese national ay natagpuan noong Nobyembre 13 na nagtatrabaho sa pagtatayo ng isang mall sa BARMM.
Sa bisa ng mission order na inilabas ni Viado matapos makatanggap ng impormasyon mula sa government intelligence sources na ang pagtatayo ng gusali ay ginagawa ng mga ilegal na dayuhan.
Ang mga operasyon ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, at Philippine Army.
Karamihan sa mga inaresto ay nakapagpakita ng 9(g) working visa, ngunit napetisyon ng ibang kumpanya, bilang paglabag sa mga kondisyon ng kanilang pananatili. Ang ilan naman ay walang maipakitang dokumentasyon, habang ang iba ay may hawak lamang na tourist visa.
Binalaan ni Viado ang mga dayuhan na huwag magtangkang magtrabaho sa bansa nang walang kaukulang visa o permit. Idinagdag niya na ang mga ahensya ng paniktik ng gobyerno ay mahigpit na nakikipag-ugnayan at nagbabahagi ng impormasyon upang maalis ang mga ilegal na dayuhan sa bansa.
Lahat ng 37 dayuhan ay ipapa-deport habang ang ilan ay mananatili sa kustodiya ng BI habang nakabinbin ang deportasyon.
