LIGTAS nang nakabalik sa bansa ang apat na Pilipinong crew member ng M/V GFS Galaxy , isang container vessel na tinamaan ng projectile missile habang dumadaan sa Strait of Hormuz .
Sakay ng Emirates Flight EK336 ang mga marino na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kaninang madaling-araw ng Hulyo 19, 2026 .
Nakaligtas ang apat na tripulante matapos tamaan ng projectile missile ang kanilang container vessel na may bandila ng Marshall Islands habang dumadaan sa Strait of Hormuz noong Hulyo 12, 2026.
Nasawi ang kanilang Third Engineer habang nasugatan naman ang Chief Engineer ng barko .
Matapos ang insidente, pansamantala silang pinatuloy sa Khasab, Oman bago inilipat sa Dubai, United Arab Emirates, kung saan binisita sila ng mga kinatawan ng Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai noong Hulyo 15 upang isaaayos ang kanilang pagbabalik sa bansa.
Sinalubong ang apat ng mga kinatawan ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang magbigay ng agarang tulong, kabilang ang tulong pinansyal, bago sila ilipat sa kanilang manning agency na JDA Inter-Phil Maritime Services Corp .
Patuloy na nakikipagtulungan ang DMW sa manning agency at iba pang mga tanggapan ng gobyerno ng Pilipinas upang matiyak na ang mga apektadong Pilipinong marino ay makakatanggap ng kinakailangang tulong at suporta.
