MAYNILA — Arestado ang apat na pasaherong dumating mula sa Bangkok, Thailand matapos makumpiskahan ng tinatayang 41,851 gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng mahigit ₱62.7 milyon sa isinagawang joint anti-drug interdiction operation sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Hulyo 30.
Sa pahayag ng Bureau of Customs (BOC), natuklasan ang iligal na droga sa isinagawang routine baggage screening ng mga tauhan ng X-Ray Inspection Project (XIP), na nakapansin ng kahina-hinalang imahe sa mga bagahe ng mga pasahero na nagpapahiwatig ng posibleng presensya ng ipinagbabawal na sangkap.
Alinsunod sa umiiral na customs procedures, isinailalim ang mga pasahero sa masusing inspeksiyon ng kanilang mga bagahe. Nagpositibo rin sa isinagawang K9 inspection ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga bagahe sa posibleng presensya ng mapanganib na droga.
Sa isinagawang 100 porsiyentong pagsusuri, nadiskubre ang humigit-kumulang 41,851 gramo ng hinihinalang marijuana na itinago sa loob ng mga bagahe ng mga pasahero. Tinatayang aabot sa ₱62,776,500 ang halaga ng mga nakumpiskang iligal na droga.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon ng BOC, Enforcement and Security Service–Customs Anti-Illegal Drug Task Force (ESS-CAIDTF), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-Ray Inspection Project (XIP), PDEA, at Bureau of Immigration. Naitala rin ang buong operasyon gamit ang body-worn cameras upang matiyak ang transparency, pananagutan, at pagsunod sa itinakdang mga pamamaraan.
Isinailalim sa kustodiya ng PDEA ang apat na suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs) ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
