ANG patuloy na pagpapa-unlad ng kabuyahan at pagkakaroon ng kontribusyon sa produksyon ng mga produktong agrikultural mula sa mga kababayang katutubo ang hangad ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program.
Ito ang binigyan diin matapos ang 3rd Quarter DA-4K Program CY 2023 3rd Quarter Performance and Budget Utilization Review noong ika-9 hanggang ika-13 ng Oktubre sa Los Baños, Laguna, sa pangunguna ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) kasama ang National Program Management Office (NPMO) ng kagawaran at mga representate mula sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Dito ay tinalakay at pinakita ng ibat-ibang rehiyon ang mga komunidad ng katutubo na kanilang tinutulungan, ganun din ang mga interbensyon na naibigay na at ibibigay pa at kanilang mga hiling o kailangan para sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad at pagsasaka. Ipinakita din ang kalalagayan ng mga pondong ginagamit para sa programa.
Ayon kay National 4K Program Director Lucia Campomanes, sa patuloy na pagtakbo ng programa hangad nila na magkaroon ng malaking kontribusyon ang mga katutubo sa produksyong sa agrikultura. Aniya, patuloy nilang aalamin ang mga pangangailangan ng mga katutubo kasabay ang walang sawang pag-gabay at pagsubaybay sa mga ito upang maakay sila sa pag-angat ng kanilang mga kabuhayan.
Samantala, pinangunahan nina DA-4A 4K Program Focal Antonio Zara at Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Laguna Annie Bucu ang delegasyon mula sa DA-4A.