NAKA- FULL ALERT na ang buong Pambansang Pulisya simula alas singko ng hapon ng September 19, 2025 bilang paghahanda sa nakatakdang anti-corruption protest rally sa Setyembre 21.
Mahigit 50,000 pulis sa buong bansa ang naka-deploy, kasabay ng mahigpit na koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang mabilis at maayos na tugon sa seguridad.
Buong puwersa ng NCRPO ang naka-deploy at nakaalerto, habang ang lahat ng Police Regional Offices at ang Reactionary Standby Support Force (RSSF) ay nakaantabay para sa agarang pagresponde kung kinakailangan.
Ayon kay Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.:
“Ginagawa natin ito upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapangalagaan ang karapatan sa mapayapang pagtitipon. Ang kapayapaan at seguridad ng lahat ang aming pangunahing prayoridad.”
Dagdag pa ni PNP Spokesperson, Police Brigadier General Randulf T. Tuaño:
“Nanawagan kami sa mga organizer at lalahok na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at sumunod sa batas. Naka-alerto ang PNP, katuwang ang AFP at iba pang ahensya, upang pangalagaan ang karapatan sa pagpapahayag gayundin ang seguridad ng bawat komunidad.”
Muling tiniyak ng PNP ang pangakong protektahan ang publiko at panatilihin kaligtasan at kaayusan sa kabuuan ng aktibidad.
