TAMA ng baril sa ulo ang ikinamatay ng isang 53-anyos na ina nitong Linggo sa kanyang tahanan sa Tarlac City.
Base sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen Jean Fajardo, kinilala ng Tarlac police ang biktima na si Joylyn Candido, residente ng Sitio Lambingan, Bgy. Burot, Tarlac City.
Sinabi ng anak ng biktima sa pulisya na nakahiga siya sa sofa sa sala at abala sa paggamit ng cellphone nang bigla siyang makarinig ng putok ng baril.
Agad niyang tiningnan ang kanyang ina sa kwarto at laking gulat niya ng makita ito sa kama at may dugong umaagos mula sa kanyang ulo.
Nakita ng anak na babae ang isang lalaking nakasuot ng itim na jacket at may hawak na baril saka mabilis na tumatakas.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyong isinasagawa ng mga awtoridad.
