ANIM na katao na pawang mga katutubong aeta ang kumpirmadong nasawi habang tatlo pa ang nawawala matapos tumaob ang isang motorized banca sa Mapanuepe Lake sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales araw ng Huwebes, Agosto 27, 2026.
Batay sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), 13 katao, kabilang ang timonero ng banca, ang sakay nang mangyari ang trahedya bandang alas-4 ng hapon.
Apat na pasahero ang nailigtas habang tatlo pa ang patuloy na pinaghahanap kabilang ang isang buntis.
Sa anim na nasawi, tatlo ang nasa hustong gulang at tatlo ang mga bata.
Ayon sa impormasyon, pauwi na sa Sitio Lumibao ang mga biktima mula sa Buhawen Proper, kung saan sila nagtungo upang magpabakuna sa barangay center at dumalo sa isang pulong para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sinabi ng mga awtoridad na posibleng nangyari ang pagtaob dahil sa overloading o labis na dami ng sakay ng banca.
Patuloy ang search and rescue operations para sa tatlong nawawalang pasahero.
Samantala, nagsasagawa rin ang Incident Operations Center (IOC) ng proseso upang matukoy at makumpirma ang kumpletong pagkakakilanlan ng mga nasawi at iba pang sangkot sa insidente.
Inaasahang maglalabas pa ng karagdagang impormasyon ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang rescue and search operations sa mga nawawala. (Jeff Tumbado)
In photos : Ang labi ng mga nasawing katutubong Aeta matapos ang trahedya sa pag taob ng kanilang sinasakyang motorized banca sa Mapanuepe Lake, San Marcelino, Zambales.
