ARESTADO ang anim na indibidwal matapos umanong mahuling nagnanakaw ng mga telecommunications cable sa Sikatuna Street, Barangay Zapatera, Cebu City, madaling araw ng Linggo, Nobyembre 15.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa alyas na “Eric,” 35, dating technician ng isang telecommunications company; “Janriel,” 39; “Daven,” 32; “Ronan,” 42; “Edwin,” 51; na pawang residente ng Barangay Basak San Nicolas; at “Jesie,” 30, residente ng Barangay Calamba.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya ang mga tauhan ng Barangay Public Safety Office (BPSO) ng Zapatera nang mapansin ang mga suspek na naghuhukay at humihila ng mga underground cable pasado alas 5 ng umaga, dahilan upang agad nilang ipagbigay-alam ang insidente sa mga awtoridad.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at naabutan ang grupo habang kinukuha ang mga kable nang walang kaukulang pahintulot o dokumento, kaya’t kaagad silang inaresto.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong pagnanakaw (theft), habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
