IBINASURA ng Sandiganbayan Fifth Division ang motion for reconsideration ni Sen. Jinggoy Estrada na humihiling na alisin ang 90-araw na preventive suspension sa kanya kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y ₱573 milyong kickback mula sa mga proyekto ng imprastraktura ng pamahalaan.
Sa resolusyong inilabas noong Nobyembre 10, sinabi ng anti-graft court na walang sapat na batayan ang mosyon ng senador upang baligtarin ang nauna nitong desisyon.
Inihain ni Estrada ang motion for reconsideration noong Oktubre 19, isang linggo matapos maglabas ng resolusyon ang Fifth Division noong Oktubre 12 na nag-uutos sa kanyang preventive suspension.
Ipinunto ng senador na nakapagsilbi na siya ng hiwalay na 90-araw na preventive suspension na ipinataw ng Sandiganbayan Second Division sa isa pang kasong graft. Nagsimula ito noong Hunyo 22 at nagtapos noong Setyembre 20.
Giit ni Estrada, ang muling pagpapataw ng kaparehong suspensyon apat na buwan lamang matapos ang una ay maaari nang ituring na parusa sa halip na isang preventive measure.
Gayunman, ipinaliwanag ng Fifth Division na magkahiwalay at independiyente ang mga kasong graft at plunder na kinakaharap ng senador.
Ayon sa korte, ang naunang suspensyon na ipinataw ng Second Division ay nakabatay sa sarili nitong pagsusuri sa kasong graft at hindi nito pinipigilan ang pagpapatupad ng panibagong preventive suspension kaugnay ng hiwalay na kasong plunder.
Binigyang-diin din ng Fifth Division na tungkulin nitong ipatupad ang preventive suspension alinsunod sa batas at hindi maaaring gamiting hadlang ang naunang suspensyon upang hindi maipatupad ang kautusan sa ibang kaso.
