
ARESTADO ang anim na hinihinalang gunrunner habang nakumpiska ang mga baril at bala sa Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan nitong Lunes sa isinagawang operasyon na “Oplan Paglalansag” ng Police Regional Office 3 (PRO3}.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, kinilala ng Bulacan police ang mga naaresto na sina alyas “Gario,” 38; alyas “Salor,” 31; alyas “Gapo,” 24; alyas “Macha,” 28; alyas “Vinta,” 39; at alyas “Guarda,” 26; lahat na residente ng Sitio Kalayakan, Bgy. Kalawakan, Doña Remedios Trinidad (DRT).
Ang raiding team ay binubuo ng mga tauhan mula sa Criminal Investigation and Detection Group Bulacan Provincial Field Unit, CIDG Regional Field Unit 3, 24SAC-2SAB Philippine National Police Special Action Force, 301st Mobile Company, Regional Mobile Force Battalion 3 at DRT police.
Nagpatupad ang team ng search warrant para sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.
Nasamsam ang ilang baril at mga bala, kabilang ang dalawang 12 gauge shotgun, dalawang magazine para sa isang shotgun, limang bala para sa isang 12 gauge shotgun, isang load na cal. .45 pistol na may karga, isang magazine assembly para sa isang cal .45 gun, pitong bala para sa isang cal. .45 na baril, isang .9mm pistol, 11 .9mm na bala, pitong bala para sa .5.56 na baril, isang holster, at isang sling bag.
Nasa kustodiya na ng DRT police ang lahat ng naarestong suspek.