PATAY ang isang 60-anyos na lalaki matapos matagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang sasakyan habang rumaragasa ang baha sa Olongapo City nitong Sabado.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-2 ng hapon nang makita ang biktima sa loob ng kanyang kulay asul na MPV sa Otero Avenue, Barangay Mabayuan.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ngunit wala na itong buhay nang suriin.
Batay sa mga nakalap na impormasyon, bago ang insidente ay nakita ang biktima na ipinaparada ang kanyang sasakyan sa gilid ng kalsada habang patuloy na tumataas ang tubig-baha sa lugar.
Makalipas ang ilang sandali, mabilis na tumaas ang baha hanggang dibdib at naging malakas ang agos.
Wala umanong nakapansin sa biktima na humihingi ng saklolo habang patuloy na pumapasok ang tubig sa kanyang sasakyan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng pagkamatay, ngunit pinaniniwalaang inatake sa puso ang biktima habang nasa loob ng sasakyan. Dahil sa mabilis na pagtaas ng baha, hindi na umano nito nagawang makalabas at mailigtas ang sarili.
