NATAGPUAN ang hindi bababa sa 65 dayuhan na pinaniniwalaang biktima ng summary execution malapit sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Central Luzon.
Umabot na sa 33 ang kumpirmadong mga dayuhan habang ang iba pa ay “foreign looking “ayon sa mga awtoridad.
Ang mga bangkay ng mga biktima ay natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Rehiyon 3.
Batay sa talaan ng pulisya, nasa 33 kumpirmadong patay na dayuhan, 24 ay natagpuan sa Angeles City, anim sa Pampanga, dalawa sa Olongapo City, at isa sa Tarlac.
Isang patay na foreign looking na lalaki ang natagpuan sa Bataan habang dalawa pa ang narekober sa Pampanga.
Karamihan sa mga biktima ay natagpuang may tama ng bala at iba ay tila itinapon lamang sa lugar. Ang kanilang mga katawan ay natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng mga bayan ng Porac, Mabalacat, San Simon sa Pampanga at sa bayan ng Concepcion sa Tarlac at sa Olongapo City.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga pagkakakilanlan ng mga biktima at ang mga salarin sa likod ng mga pagpatay.
Ipinag-utos naman ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil ang malalimang imbestigasyon kaugnay ng mga hindi pa naresolbang kaso ng 65 natagpuang patay na dayuhan at foreign looking sa Rehiyon 3.
